Habagat sa Setyembre
Kumikiskis ang mga palaspas
ng kaniyugan, umaagasas sa awit,
gumegewang-gewang sa sayaw,
tangay ng lakas na may salikmata.
Ang walis na nakasabit sa dingding
kumukumpas kasabay nang dumaang
hangin, pinapalaspas ang alikabok
na nasilayan ng liwanag sa kislapmata.
Gayundin ang bulong ng mga isipan
mula sa haraya’t sapantaha na tinanggap
nang malugod na animo’y mga tanging
panauhin sa salas ng mga kamalayan,
biglang nagsilaho sa ulirat ng malikmata.
Tula ni Kyn H. Firmalino
Sinulat noong ika-27 ng Setyembre, 2020
sa Lungsod ng Bacolod, Lalawigan ng
Negros Occidental, Pilipinas