Thursday, October 8, 2020

Habagat sa Setyembre


Kumikiskis ang mga palaspas

ng kaniyugan, umaagasas sa awit,

gumegewang-gewang sa sayaw,

tangay ng lakas na may salikmata.


Ang walis na nakasabit sa dingding

kumukumpas kasabay nang dumaang

hangin, pinapalaspas ang alikabok

na nasilayan ng liwanag sa kislapmata.


Gayundin ang bulong ng mga isipan

mula sa haraya’t sapantaha na tinanggap

nang malugod na animo’y mga tanging

panauhin sa salas ng mga kamalayan,

biglang nagsilaho sa ulirat ng malikmata.



Tula ni Kyn H. Firmalino

Sinulat noong ika-27 ng Setyembre, 2020

sa Lungsod ng Bacolod, Lalawigan ng

Negros Occidental, Pilipinas


Tuesday, September 8, 2020

Inahing Ibon


Sa dako roon

sa malagong sanga

ng punong kahoy

isang inahing ibon na humuhuni

umiindayog, umaaliw-iw

puno nang pagmamalasakit

hitik sa pagmamahal.


Sa dako rito, tatlong batang ibon

mga munting pakpak

kumukumpay sa kalawakan

ng mundong walang puwang

sa pagitan ng mga panganib

na hindi hadlang.


Dininig ang huni ng inang ibon,

tumalima sa gabay ang mga supling

lumipad tungo sa piling ng ina

kasabay ay awit nang pamimintuho,

isang banal na pagpapala

sa kanlungan ng kalinga.



Tula ni Kyn H. Firmalino

para kay Emma Marie P. Domingo

Sinulat noong ika-5 ng Setyembre, 2020

sa Lungsod ng Bacolod, Lalawigan ng

Negros Occidental, Pilipinas